MATAPOS MANALONG Movie Actor of the Year para sa Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story sa 28th PMPC, kung saan nag-tie sila ni Aga Muhlach, aminado si Laguna Governor ER Ejercito na mas may pressure siyang nararamdaman habang tinatapos niya ang El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story.
Bukod kasi sa best actor trophy, humakot ngang muli ng iba pang parangal ang Asiong including the Movie of the Year and Movie Director of the Year awards. Kaya kinakailangang pag-igihan daw nila at trabahuhing mabuti ang El Presidente para maging award-winning at critically-acclaimed din.
“Talagang mas challenge sa amin ni Director Mark Meiley (na siyang pumalit kay Direk Tikoy) ang paggawa naman ng El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story. Mas mabigat itong pelikulang ito. Dahil production design pa lang eh, madugo na ang gastos!” nangiting sabi ni Governor ER. “And star-studded din itong El Presidente. I’m working with Ms. Nora Aunor, with Judy Ann Santos, Robin Padilla… mga mabibigat ang artista namin dito. Pang-film fest namin for 2012.”
Maraming action stars ang nagpapasalamat na pinangunahan niya na mai-revive muli ang action movies. Malaking bagay daw ang nagawa ng Manila Kingpin para manumbalik ang sigla ng mga pelikulang aksiyon ang tema.
“Iyon naman talaga ang objective namin. Kaya namin ginawa ‘yong Manila Kingpin, para buhaying muli ang matagal nang nawalang action films dito sa Pilipinas. Pero quality action film.”
Ang action star din na ngayo’y scriptwriter, director, at movie producer na rin na si Cesar Montano ang pinaka-vocal sa pagsasabing naging inspirasyon nga raw si Governor ER for him to come up with his action movie also, ang katatapos pa lang na ipalabas na Hitman.
“Ako’y natutuwa at dahil sa Manila Kingpin, ay ginawa nga niya ang pelikulang Hitman. Na maganda rin naman ang naging performance sa box-office. Kaya sana ay marami pa ang gumawa ng action films ngayong taon na ito,” sabi pa ng actor-politician.
No comments:
Post a Comment