'Hating Kapatid' Movie Review
07.23.2010
Matatawa ka at maiiyak. Matatawa ka habang umiiyak, at maiiyak ka sa katatawa!
Ganyan kasi ang nangyari sa akin nang panoorin namin kanina lang sa Mega Mall ang Hating Kapatid. Mula ito sa Viva Films na pinagbibidahan nina Judy Ann "Juday" Santos at Sarah Geronimo, dalawang pinakamalalaking artista ngayon sa Pilipinas.
Umiikot ang kuwento ng pelikula sa buhay ng dalawang magkapatid na sina Rica (Santos) at Cecilia (Geronimo) kung saan tumayong ama at ina ang nakatatandang si Rica sa kanyang kapatid nang lumisan ang kanilang mga magulang ( Cherry Pie Picache at Tonton Guttierez) upang magtrabaho sa ibang bansa. Nanirahan silang kasama ang lola (Gina Pareno) at pinsang lalaki (Dj Durano) habang pinatatakbo ang maliit na negosyo ng paputok sa Bulacan.
Gumanap bilang love interest ni Juday dito si JC De Vera, samantalang si Luis Manzano naman ang katambal ni Geronimo. Kabilang din sa pelikula ang ngayo'y sikat na host ng Show Time sa ABS CBN na siVice Ganda bilang kasambahay ng pamilya.
Bilang magulang ni Cecilia, sukdulang proteksyon at pangangalaga ang ipinagkakaloob ni Rica sa kapatid at sa mga tagpong proteksyon ang isyu, naging mas makulay ang takbo ng pelikula.
Ilan lamang sa mga nakatatawang tagpong hindi malilimutan ng mga manonood ang napaka-OA na pagsugod kay Cecilia sa ospital dahil lamang sa sinok; ang pagpo-propose ni De Vera ng kasal kay Juday gamit ang electronic billboard sa EDSA; ang sagutang magkapatid habang palipat lipat ng puwesto ng pagkain si Durano; ang eksena sa sakayan ng jeep; sa loob ng MRT; at ang pagsampal ni Rica sa kapatid habang isinusugod siya sa ospital.
Sa mga madramang eksena naman ay hindi malilimutan ang mga madamdaming tagpo sa pagitan ng magkapatid at ang komprontasyong mag-ina (Pichache at Santos).
Magaling ang pagkakalapat ng katatawanan sa isang seryosong usaping pampamilya ng mga Overseas Filipino Workers, at mga panlipunanang isyu ng holdapan - istilong pinoy, nakawan, at siyempre kahirapan.
Naging katatawanan din kahit ang mga bagay na dapat ay butas o flaws ng pelikula. Katulad na lamang ng pagganap ng parehong doktor sa tatlong magkakaibang kaganapan sa ospital, at sa pagitan ng maraming taon. Nakapagtataka kasi ditong hindi nagbago ang hitsura ng doktor simula noong bata pa ang magkapatid hanggang ngayon. Gayundin, ang paglalagay nito bilang tao ng posibleng dalawang magkaibang ospital dahil nakatira sila dati sa Bulacan at lumipat ng Pasig kalaunan.
Kung may kapintasan ang pelikula, wala naman itong malaking epekto sa kalidad nito. Isa lamang rito ang halatang pilit na pagpasok ng mga produktong ini-indorso ni Geronimo kabilang na ang Globe Tattoo, Belo, Charmee, Video City at Jollibee. Hindi natin masisisi ang mga prodyuser dahil naroon ang pera na nagpapatakbo sa industriya.
Kung disenyo ng produksyon ang pag-uusapan, maraming magagandang scenes dito na angkop sa damdamin ng diyalogo. Isa na dito ang tagpong simbahan sa dulong bahagi ng pelikula. Kulang nga lamang ang mga sangkap sa pagpapalit ng edad nina Picache at Guttierez dahil silang dalawa lamang ang gumanap bilang mga batang magulang at kahit pagkatapos ng 20 taon sa kuwento.
Gayunman walang nasayang na aktor sa pelikulang ito hindi katulad ng mga pelikulang naglabasan kamakailan. Nagamit ng maayos ang lahat ng gumanap, mula sa mga pangunahing tauhan sa kuwento hanggang sa mga pasahero ng dyip, drayber ng traysikel at ang mga naulila sa isang tagpo.
Pang Best Actress pa rin si Santos samantalang pang Best Supporting Actress naman sina Pareno, Picache at Geronimo.
Bagaman kulang sa laman ang kanyang karakter, magaling ang pagkakaganap ni Manzano lalo na nung ginagawa nya ang ilang mga raket.
Kung mayroong mga malalaking pangalan na dapat abangan sa industriya, isa na rito si JC De Vera na tila laging mayroong bagong katakam takam na putahing inihahain sa publiko. Tuluyan nang naging isang ganap na leading man si De Vera sa pelikulang ito. Perpekto ang pagkakapareha sa kanya kay Santos. Isang hakbang na magpapaimbulog paitaas ng kanyang karera. Asahan ng kanyang mga fans mula ngayon na uulanin ng proyektong pampelikula si De Vera.
Malaki ang papel na ginampanan ni Vice Ganda dito na hindi rin nagpahuli sa pagdadala ng katatawanan sa mga manonood. Maging ang mga batang artistang kasama sa pelikula ay magagaling. Walang sayang.
Ngunit matapos ang lahat ng aking naisulat na mga komento at puna dito, patuloy ko pa ring iniisip kung ano nga ba ang lohika kung bakit "Hating Kapatid" ang titulo ng pelikula.

No comments:
Post a Comment