Parang mas pumayat pa si Judy Ann Santos nang makita namin kahapon sa presscon ng Eden Cheese kesa noong huli namin siyang makita sa presscon ng Pinoy Junior Master Chef last February.
In fairness, talagang kinakarir ni Juday ang kanyang slim figure kaya nga binabansagan siyang ‘hot mama.’
“Nakakatawa, nakaka-flatter. Kahit kailan naman, hindi ko naisip na darating ako sa puntong tatawagin akong hot mama. Noon, ang tawag sa akin, hot siopao,” say niyang natatawa.
Pero sa seryosong usapan, disiplina at commitment lang daw talaga ang kailangan para pumayat ang isang tao.
“As long as nagagawa mo pa rin ang duties mo bilang nanay, kung nanay ka na, nagagawa mo pa rin ang duties mo as a housewife and as a mom pero at the same time, nagagawa mo pa rin ang duties mo para sa sarili mo, kasi paano mo itatawid ang lahat ng responsilibities mo kung ikaw mismo sa sarili mo, hindi ka confident na parang feeling mo, Hindi ka healthy?
“It should always come from your heart, it should always come from yourself, ’di ba?”
Ang diet program ni Juday, every morning ay fresh juice and veggies ang kanyang iniinom at kinakain and then yogurt, cereals. Pero hindi naman daw niya dine-deprive ang sarili niya sa pagkain na gusto niya.
“Kinakain ko ang gusto kong kainin pero at the same time, may kapalit ’yun na exercise kinabukasan, like takbu-takbo or kakargahin ko si Lucho ng dalawang oras, akyat-panaog ako sa hagdan. May ways kung paano ka mag-exercise nang hindi ka gagastos. Sa Internet lang ang daming workout videos na puwedeng i-download, libre pa.”
Asked kung nagti-Twitter siya, natawa si Juday.
“Hindi po. Hindi naman sa ayaw, hindi lang ako... though nagbabasa ako ng Twitter kasi naaaliw ako sa mga nababasa ko, sa mga topic, sa mga comment, kasi iba rin ’pag nakikita mong pinag-uusapan ka ng mga tao. For some reason, nakaka-feel-good na nalalaman mo ang iniisip nila.
“Pero ako personally, hindi ako sumali sa Twitter, kasi siguro, kasi alam ko sa panahon ngayon, lahat ng tao, may opinyon, lahat ng tao, may kapasidad magsalita nang masasakit at hindi naman ito nasasala, hindi naman ito dumadaan sa MTRCB, so, might as well... gusto ko kasi ng payapa na araw, ayoko ng nai-stress, ayoko ng naiinis ka. At saka siguro, sanay na rin naman ako sa alipusta. Okay na ako ro’n, quota na ako.”
So, umiiwas lang siya sa mga basher and hater?
“Meron naman ako no’n mula’t sapul, eh. So, parang paano mo ba ilulugar ’to? Parang what you don’t know won’t hurt you, eh, ’di ba?”
Ang kabuntot na tanong nito ay kung ano ang masasabi niya sa mga pumapatol sa bashers at isa na nga rito ay si Sharon Cuneta, isa sa matalik niyang kabigan.
“Ang masasabi ko lang ano... may mga pagkakataon kasi na bilang isang ina, hindi ba, kung ikaw lang naman ang aalipustahin, ako, okay lang, kasi kaya ko. Pero ’pag anak mo na ’yung kinanti, kahit naman sinong santa, lalabas at lalabas ang sungay.”
Nabasa nga raw niya noong nagdaang gabi lang ang tungkol sa nagaganap sa buhay ni Sharon at kung sa kanya rin daw mangyari ’yun, masasaktan siya nang bonggang-bongga.
“Parang hindi na ’ata makatao ’yung mga sinasabi rin. Siguro, they have their own reason, but siguro darating din ang panahon na kapag naging magulang na sila, kung mga bata man ito or mga dalaga’t binata ang gumagawa ng ganitong salita, ’pag naging magulang sila, mararamdaman nila ’yung pinanggagalingan ng magulang ngayon.”
Pero ang involved kasi ay ang dating leading man niyang si Piolo Pascual, ano ang masasabi niya tungkol dito?
“Ah, sa totoo lang, feeling ko, lahat naman ng ito, nanggaling doon sa naganap na hiwalayan (nina Piolo and KC Concepcion), ’di ba?
“It’s a personal thing, ito ang isang bagay na hindi natin dapat pakialaman kasi dalawang tao lang naman ang talagang involved dito, hindi tayo kasama diyan.
“Naiintindihan ko na may mga taong gustong protektahan ang mga idolo nila. Pero sa ginagawa nilang pagpuprotekta, napapasama rin pati mga idolo nila.
“So, kung anuman ang naging issue with KC and Piolo, wala namang hindi nadadaan sa matagal na panahong pagpapahinga, hindi ba?
“Bigyan natin ng time, bigyan natin ng espasyo silang dalawa. Relax na, hayaan na natin. Kasi silang dalawa are trying to move on pero may mga tao sa paligid nila na hindi maka-let-go.
“Hayaan na lang natin silang maging masaya. Naku, itong mahirap, paglabas ng interview na ito, I’m sure ako naman ang may mga basher,” natatawang sabi ni Juday.
Samantala, kasama ng aktres ang panganay na anak na si Yohan bilang endorsers ng Eden Cheese pero nang tanungin kung mag-aartista na rin ba ito, aniya, commercial na lang muna.
“Gusto niyang maging singer, sabi niya. Hindi naman namin siya (pinipigilan), kung gusto niyang mag-voice lessons, pinapipili namin siya kung ano ang gusto niyang gawin this summer, so, we’ll see,” ani Juday.
SOURCE HERE
No comments:
Post a Comment