| |||||
Bukod sa Araw ng Pasko ay Linggo pa, kaya maaga pa ay siksikan na ang mga tao at ang haba na ng pila sa takilyera. Tanghali pa lang ay sold-out na ang screening ng Enteng ng Ina Mo sa TriNoma at ‘yung sa panggabing screening na ang tiket na binebenta. Kaya ‘yung ibang Enteng sana ang gusto ay lumilipat na lang sa ibang pelikula. Hindi kami nakadalo sa premiere night ng My Househusband: Ikaw Na! nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo kaya ito na lang ang pinili namin. Si Rodrigo Alvarez (Ryan) ay may magandang trabaho bilang branch manager ng isang bangko. Nang may bumili ng pinapasukan niyang bangko ay mas pinili ni Rod na mag-resign kesa pumayag na i-demote siya sa trabaho. Ang maybahay niyang si Mia (Juday) na nagpa-part time bilang insurance agent ay napilitang kumayod nang husto habang walang trabaho si Rod. Dahil sa sitwasyon ay naiwan sa bahay at naging ‘househusband’ si Rod habang ang misis niya ang nagtatrabaho. Meron silang dalawang anak na nasa grade school. Kapitbahay nila ang single mother na si Adelaida ‘Aida’ Capinpin, na kulasisi ng isang mayamang matanda. Dahil wala siyang choice ay napilitang gawin ni Rod ang lahat ng gawaing bahay. Natuto siyang magluto, maglaba, mamlantsa, maglinis, mag-garden at kung anu-ano pa dahil nagbakasyon sa probinsiya ang kanilang kasambahay. Siya rin ang taga-attend ng PTA meeting, habang ang misis niyang si Mia ay aligaga sa trabaho. Nu’ng simula ay okey ang kanilang set-up, pero pagtagal-tagal ay nasaling na ang pride ni lalaki hanggang sa madalas na silang mag-away. Nakadagdag sa stress ni Mia ang pagiging close ni Rod sa adelantada nilang neighbor na si Aida, na madalas pagtsismisan ng mga ka-village nila dahil sa pagiging kabit nito. *** Pareho naming gusto ang naunang filmfest movies nina Juday-Ryan na Kasal, Kasali, Kasalo (2006) at Sakal, Sakali, Saklolo (2007) na parehong MMFF blockbusters. Mga ganitong tema talaga ang forte ni Direk Joey Reyes kaya hindi kami nagtakang nagustuhan namin ang My Househusband. Sa trailer ay mukha itong luma at parang hindi exciting, pero ‘pag pinanood mo ay maganda at matino ang kabuuan nito. Hindi pa rin nauubusan ng klik na istorya si Direk Joey tungkol sa mag-asawa. May kakaibang husband and wife dynamics sina Juday-Ryan na kanilang-kanila lang, kaya ang sarap at ang saya nilang panoorin sa big screen. Totoo at sincere ang akting ng mag-asawa sa bawat eksena kaya ang daling maka-relate ng audience. Nanay na nanay na si Juday, pero ang ganda-ganda niya rito at ang sexy. Maging sa light moments ng mag-asawa ay mata-touch ka, kaya lalo na ‘pag nagda-dramahan na sila. Natural ang pagiging mahusay ni Juday, na hindi kailangang magpaka-OA para maantig ka at mapaiyak. Type na type namin ang awayan scenes ng mag-asawa lalo na ‘pag nagsisigawan sila. Napakahusay ni Juday at perfect si Ryan bilang kapareha niya. Eversince ay bilib kami sa pagiging natural actor ni Ryan. Dito ay makikita mong mas nag-mature pa ang acting niya at sobrang endearing ‘yung karakter niya bilang ma-pride, pero maunawain at mapagmahal na mister. *** Hindi maikakaila na si Eugene Domingo ang pinakamalaking pinagkaiba nitong My Househusband sa dalawang naunang Juday-Ryan movies. Perfect ang pagkaka-cast ni Direk Joey kay Uge dahil ang lakas ng impact ng other woman character ng komedyana. Panay ang tawa ng audience sa mga kajologan at kagagahan ng hitad na Uge. Siya ang nagbigay ng kulay sa buhay ng mag-asawa niyang kapitbahay. Bentang-benta sa fans ‘yung pag-aatribida niyang pumasok sa bahay nina Ryan kahit hindi naman siya iniimbita sa loob, tapos ay panay ang side comment niya sa mga napapansin at nakikita niya sa loob. ‘Thunderdome’ ang tawag niya sa matandang karelasyon niya, na nang matunton siya ng tunay na asawa at anak ay nilait-lait siya at tinawag na ‘whore.’ Madrama ang hitad dahil adik ito sa teleserye, na pati si Ryan ay nahawaan niya. Riot ‘yung eksena ni Uge na nagtangka siyang magpakamatay at groge siyang isinugod nina Ryan-Juday sa ospital. ‘Yun pala ay ascorbic acid lang ang nilaklak niya. Kahit napanood na sa trailer ay laugh pa rin ang audience sa kanyang mala-teleseryeng dayalog na hindi pinatulan ni Juday. May laban sa filmfest Best Picture ang My Househusband at hindi kami magtataka kung manalong Best Actress si Juday at Best Actor si Ryan para rito. Hindi rin kami kokontra kung makatanggap ulit ng Best Supporting Actress trophy ang kabugerang si Uge! ORIGINAL SOURCE HERE |
Sunday, December 25, 2011
Juday, sexy at maganda sa ‘Househusband’ Eugene, malakas ang laban sa best supporting actress!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment