http://www.balita.net.ph/2012/05/bagong-teleserye-ni-juday-magbibigay-ng-inspirasyon-sa-mga-nanay/
Ni Reggee Bonoan
MARAMING pinasayang supporters at Lactum users si Judy Ann Santos nitong Sabado sa activity center ng SM Megamall dahil doon isinagawa ang pangalawa sa series of mall tour ng nasabing produkto na sinabayan na rin nila ng presscon.
“Very private talaga ang presscon, ‘no?” pabirong sabi ni Juday, “Tayo-tayo lang. At ngayon lang ako nagtagal sa Megamall kasi usually, première night lang ako nakakapunta rito at sa likod pa ang daan.”
Ang 100% Panatag World tour ay hindi lang para sa mommies kundi para sa kids rin na puwedeng maglaro ng wire maze, creative food styling at kiddie ball pool. Sa Puregold Caloocan ang kanilang next stop (June 2-3); Trinoma Mall (June 16-17), CSI Dagupan (June 23-24), at Puregold Tanza (June 23-24).
Muling ni-renew si Juday bilang endorser ng Lactum, na number one daw ngayon sa market, kaya biniro siya ni Kuya Mario Hernando kung kaya raw ba siya na-retain ay dahil wala siyang nakaaway sa airport.
“Oh my God! Ha-ha, parang hihimatayin. Hindi naman po! At talagang sinagot ko raw. Baka mapadamay pa ako d’yan, ha-ha-ha!” tawa nang tawang sabi ng aktres.
Marami ang nagkomento na ang ganda-ganda ni Judy Ann sa nasabing event, blooming daw, at halatang nakapagpahinga pagkatapos ng huling programa niya sa telebisyon na Junior Master Chef.
Masayang niyang ibinalita na magkakaroon na uli siya ng teleserye.
“Magkakaroon po ako ng teleserye with Sam Milby at may meeting po ako sa ABS-CBN next week at doon pa lang din kami magpipirmahan,” kuwento ng aktres.
Nakatakdang mag-taping si Juday sa unang linggo ng Hunyo at eere ito sa last week ng Setyembre. Hiniling kasi niyang canned daw muna dahil, “Ayoko nang taping ngayon eere mamayang gabi, ‘yoko na nu’n.
“Maski yata nakapikit ako alam na alam ko na ‘yan, kaya ngayon ayoko na kasi hindi rin mai-edit ng maganda.
“Pero hindi ko naman sinabing i-can ng dalawang taon, ha? Parang hindi naman ‘yun tulad ng nangyari sa Habang May Buhay, ha-ha-ha!” natawang sabi ng aktres.
Isang season ang itatagal ng nasabing serye.
“Parang 12 to 13 weeks siyang tatagal, sinasabi ko na kasi baka maputol o ma-extend, para alam na,” kuwento ni Budaday.
Aminado si Juday na kabado at pressured siya sa bagong teleserye niya.
“Hindi kasi typicial na teleserye na walang kapatid, walang nanay, may balat ‘yung anak o anupaman. It’s a woman empowerment. So maganda ito at hindi ko masabi kung ano’ng mga gagawin ko. Nakaka-encourage siya sa mga nanay, actually,” pahayag ng aktres.
Sinigurado na walang kissing scene dahil, “Nakakaintindi na ang panganay kong anak, eh. Hindi na yata magwo-work at saka panatag na ako,” napangiting sabi pa. “Panatag na panatag ako na kayang magdala ng programa kung naniniwala kang maganda ang proyekto mo, hindi kailangan ng love scene para patunayan na nagmamahalan ang dalawang tao sa teleserye.
“It’s gonna be all out acting at kung paano mo itatawid ‘yung trabaho,” pangangatwiran ng aktres.
Samantala, sa Singapore nagdiwang ng kaarawan ang aktres kasama ang buong pamilya niya at magulang ni Ryan Agoncillo kasabay na rin ng celebration ng Mothers Day. Sagot ni Ryan ang lahat ng gastos.
“Si Yohan kasi gustong mag-Singapore kasi gustong mag-Universal at saka ‘yung Songs of the Sea. Kasi bata pa lang si Yohan memorize na niya at saka nakakaintindi na siya ng theme park.
“Saka ‘yun ang ni-request ko sa kanya (Ryan), saka masarap kumain sa Singapore, so kumain ako nang kumain,” kuwento ni Juday.
Bukod sa Singapore trip, niregaluhan din si Juday ng asawa ng paborito niyang brand ng sapatos.
No comments:
Post a Comment