- Published : Thursday, February 16, 2012 00:00
- Written by :
Nag-enjoy nang husto si Judy Ann Santos sa Junior MasterChef Pinoy Edition kaya hindi pa man natatapos ay isusunod na agad ang adult version, ang MasterChef.
In fact, magho-hold na nga raw ito ng auditions.
“Ang dami kasi naming natutunan dito sa Junior MasterChef,” say ni Juday kahapon sa presscon para sa finale ng naturang cooking show, “with regards to handling the concept, so, ’yun ang ia-apply namin dito sa MasterChef.
“Siyempre, kailangang ’yung iluluto ng amateurs ay ’yung akma sa panlasa ng mga Pilipino, ’yung kayang gawin, siguro mas magiging informative lang siya when it comes to cooking technique.”
Mas gusto nga raw niya ang ganitong schedule ngayon dahil hindi siya masyadong ngarag. Relax na relax daw siya at the same time ay marami pa rin siyang oras para sa kanyang pamilya.
Bukod dito, aminado siyang nag-enjoy siya sa show dahil unang-una, mahilig talaga siyang magluto.
“Unang-una, pagluluto. Pangalawa, mga bata (ang kasama niya), pangatlo, maaga kang umuwi. Tapos, walang stress, tapos isang palit ka lang ng damit, depende kung dalawang episode ang ite-tape sa isang araw, dalawang palit ka, pero ’yun na ’yun,” she said.
Natanong si Juday kung paano nila idinaos ng asawang si Ryan Agoncillo ang Valentine’s Day at aniya, sa bahay lang sila at ipinagluto niya ang kanyang mag-aama.
“Gumawa ako ng spinach salad with apple and sesame dressing, tapos second course namin is scallop tempura with beluga caviar and ’yung main dish namin is roast beef with garlic mashed potato. Simple lang,” she said na kinantiyawan namin dahil simple pa pala ’yung lagay na ’yun.
Asked kung ano ang Valentine gift niya kay Ryan, say niya, “Gustuhin ko mang sabihing sarili ko, hindi ko naman nagawa. Nag-dinner lang kami.”
Binigyan daw siya ng roses ni Ryan at pati nga raw ang panganay nilang si Yohan, binigyan din.
“Tuwang-tuwa ’yung bata nu’ng nakatanggap siya ng roses. Nakakatuwa talaga kasi nu’ng natanggap niya ’yung roses kahapon, ’yung yakap niya sa tatay niya, para siyang nakatanggap ng Justin Bieber something.
“’Yun ’yung reaksyon na nakuha ko sa kanya nu’ng binigyan ko siya ng Justin Bieber doll nu’ng Pasko. Tuwang-tuwa siya sa flowers na na-receive niya sa daddy niya. ’Yung yakap niya, kulang na lang umiyak siya. Nakakatuwa. ’Yun na ’yung pinaka-gift namin sa sarili namin, makita namin si Yohan na natutuwa,” say ni Juday.
Samantala, nang matanong naman kung bakit may mga tinatanggihan na siyang projects ngayon, klinaro niyang hindi siya tumatanggi.
“In fairness sa akin, ha, hindi ko tinatanggihan. Wala pa naman yata akong project na tinanggihan nang wala akong sapat na dahilan. Siyempre, mas magiging mapili ka lang ngayon sa mga project kasi hindi naman ibig sabihin, ’pag bagets ka, tira ka lang nang tira ng mga proyekto.
“Siyempre, kailangan mo ring pag-aralan. It’s not like before na kahit anong project ang gawin mo, mapa-maganda, mapa-pangit, okay lang kasi andiyan ’yung pera. Ngayon, hindi. Kasi ang dami nang artistang dumarating. Hindi lang ito basta sa pera. Kailangan gusto mo ’yung gagawin mo, gusto mo ’yung istorya, magugustuhan ng mga tao.
“Kasi after ng project mong ’yun, kailangan may papasok na kasunod. Eh, kung mag-flop ’yun, eh, ’di wala nang kasunod? So, kailangan talaga ngayon, pinag-iisipan lahat.
“Hindi naman po ako nagmamaldita or hindi ako nagpapaka-diva. Mahal ko kasi masyado ang trabaho ko, mahal ko ’tong sinimulan ko, dito ako lumaki. Siyempre, gusto mo ’yung slowly but surely and of course, malaking factor ’yung may family.
“Kasi hindi mo naman maire-rewind itong pagkabata nitong mga anak ko. So, natutuwa lang din ako at naa-appreciate ko nang sobra na nirerespeto naman ng mga producer ang hiling ko. At saka, hindi naman ako humihindi ng ayoko, ine-explain ko naman nang maayos,” mahabang paliwanag ng aktres.
Samantala, apat na lamang ang natitira sa mga contestant ng Junior MasterChef — sina Jobim, Kyle, Mika at Philip at magkakaroon ng live cook-off ang Final Four sa Sabado, Feb. 18, 6 p.m.
Gaganapin ang live na paghahanda ng putahe at pagluluto sa Treston International College. Live na titikman ng host na si Juday at mga huradong sina Chef Ferns, Chef Lau at Chef Jayps ang kanilang ihahaing putahe.
Ang kauna-unahang Junior Masterchef ay magwawagi ng P1 milyon at Culinary scholarship, ang tatanghalin namang second placer ay mag-uuwi ng P500,000 at P250,000 naman para sa third and fourth placers.
SOURCE HERE
No comments:
Post a Comment