Likas daw sa magkapatid na Judy Ann at Jeffrey Santos ang pagiging matulungin. Sa katunayan daw ay isang tribo ng mga Aeta sa Bataan ang matagal nang tinutulungan ng dalawa.

Si Juday raw talaga ang may gusto nito kaya buong-buo naman ang suporta sa kanya ng Kuya Jeffrey niya. Nagtayo nga sila ng foundation kung saan maaari silang tumulong sa kanilang kapwa. At ang mga Aeta nga sa Bataan ang una nilang tinulungan.

Inamin ito ni Jeffrey nang makausap siya ng Tweetbiz sa isang event. Aniya, sa bawat sweldo raw nilang magkapatid lalo na si Juday ay may halagang napupunta para sa foundation.

Sa ngayon nga ay nakapagpagawa na sila ng barangay hall, poso at CR para sa ikabubuti ng buhay ng naturang tribo ng mga Aeta sa Bataan. Ito raw ay kabilang sa mga kababayan nating hindi naaabot ng government aid.

Plano rin daw nilang palawakin pa ang foundation na ito. Sa ngayon daw ay si Jeffrey muna ang nag-aasikaso nito dahil nga sa pagbubuntis ni Juday.