“Gusto kong mamaalam sa teleserye nang taas-noo.”
Ito ang naging paulit-ulit na pahayag ni Judy Ann Santos habang ipinapaliwanag sa press ang agad na pagtatapos ng kanyang primetime series sa ABS-CBN, angHuwag Ka Lang Mawawala.
Lumikha ng ingay ang maagang pagtatapos ng teleserye ni Judy Ann dahil kauumpisa lamang nito noong Hunyo.
Mismong si Judy Ann na ang nagbigay-linaw sa mabilisang takbo ng kanyang teleserye, na tatakbo lamang ng halos sampung linggo dahil magtatapos na ito sa August 23.
“Sabi nga nila, di ba, all good things must come to an end?
“It was my decision to end the show earlier.
“But then again, I appreciate that the management listened to what I have to say,” sabi ni Judy Ann sa ginanap na press conference para sa kanilang finale kahapon, August 15.
Inamin ng aktres na isa sa mga rason kung bakit nagdesisyon siyang tapusin na ang Huwag Ka Lang Mawawala ay dahil sa planong paglipat ng timeslot nito.
Sa kasalukuyan, ang Huwag Kang Lang Mawawala ay nasa ikatlong timeslot sa hanay ng mga teleserye ng ABS-CBN; kasunod ng Juan dela Cruz at Muling Buksan Ang Puso.
Maluha-luhang sabi ni Judy Ann, “Originally, it should’ve been moved to fourth timeslot.
“I asked the management kung puwedeng third na muna and earlier kami matatapos.
“I really appreciate the fact na pinagbigyan nila ako.
“Kasi, di ba, masarap mag-ending na mapapanood ng lahat ng tao?
“At the same time, yung palakpak ay mas matindi kapag gising yung mga tao kaysa sa palakpak na parang nananaginip na lang sila kasi hindi naman nila napanood yung ending."
Dagdag pa niya, “Para sa akin, it was a very, very hard decision kasi isang taon kong ginawa.
“Pero yung appreciation na nakuha ng buong cast at buong team ng Huwag Ka Lang Mawawala, mas bongga pa ang ini-expect.
“So, I have to take that responsibility—it was me who decided to end it.”
Humingi rin ng pasensiya ang tinaguriang Teleserye Queen ng ABS-CBN sa mga masugid na nanonood ng Huwag Ka Lang Mawawala.
Ani Judy Ann, “Pasensiya na kasi may mga bagay tayong kailangang tapusin na taas-noo.
“May mga bagay tayong kailangang harapin bilang tao at bilang propesyunal sa industriyang ito.
“Maraming posibilidad na puwedeng mangyari—maaaring ipagpatuloy pero mauuta na ang mga tao sa panonood kasi halata nang ini-stretch nang ini-stretch ang istorya; maaari ring magkaroon ng book two, depende sa napag-usapan.
“Maraming possibilities at depende ‘yan sa kung ano ang hihilingin ng mga viewers.
“Kami, bilang artista, magde-deliver lang kami kung ano ang hihilingin nila.
“Pero sa pagkakataong ito, humihingi ako ng patawad, humihingi ako ng pasensiya na kailangan kong magdesisyon na tapusin ang isang napakagandang istorya para na rin sa kabutihan ng lahat, na mag-ending tayo nang nakangiti at lahat nakangiti dahil mataas ang rating.”
GOT TO BELIEVE. Nang maianunsiyo ang pagtatapos ng Huwag Ka Lang Mawawala, may ilang nag-isip na maaaring isa sa mga dahilan nito ay ang papasok na teleserye nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ang Got To Believe.
Ngunit agad itong pinabulaanan ni Judy Ann.
Aniya, “Sa totoo, ayaw ko pong mag-react kung ano yung isyu sa kanila kasi that’s a totally different thing.
“Pero sa tunay na salita, yung Got To Believe has nothing to do with my decision and management.
“And pagbigyan natin ang mga bata. It’s their moment to shine.
“Ang sa akin lang, gusto kong mamaalam sa teleserye nang taas-noo.”
Idiniin muli ni Judy Ann na ang timeslot ang pinakadahilan ng maagang pagtatapos ng Huwag Ka Lang Mawawala.
“I have nothing to do with Got To Believe airing.
“Ang sa akin lang, ang main concern ko lang naman was my timeslot.
"Kung sakali mang nasagasaan ko ang pag-eere ng Got To Believe, I’m really, really sorry. Hindi naman ‘yan ang gusto kong mangyari.
“Para sa mga fans po ni Daniel at ni Kathryn, I’m very sorry for keeping you waiting this long. Next, next week mapapanood na natin siya.”
NETWORK TRANSFER. Marami naman ang nagtaka nang sabihin ni Judy Ann sa presscon na magpapahinga muna siya pagkatapos ng Huwag Ka Lang Mawawala.
Sa ngayon kasi, expired na ang kontrata ni Judy Ann sa ABS-CBN.
Sa katunayan, sinabi niya sa hiwalay na panayam ng press na “open contract” siya ngayon kaya puwede siyang makipag-usap sa anumang TV network.
“Palagi namang ganun ang isyu, di ba?
“Kapag may isyu ka sa mother network mo, ang isyu e lilipat ka.
“Pero hindi ko pa po napapag-isipan. Pagkatapos po ng teleserye, magpapahinga po muna ako,” sabi ni Judy Ann.
Mas naintriga pa ang press nang mabanggit na magkakaroon siya ng dinner meeting kasama ang ilang executives ng TV5.
Natawa si Judy Ann tungkol dito.
Aniya, “Kanina lang actually sinabi sa akin, kanina lang ako naging aware sa dinner na ‘yon, but we’ll see. Hindi ko pa po masabi.
“Then again, of course, yung utang na loob will always be there, possibilities of entering new life will always be there.
“Kung ano man ang sitwasyon ngayon, it's settled already and I'm just more than happy na tanggap kaming lahat.”
Dahil hindi diretsang nasagot ni Judy Ann ang tungkol sa bali-balitang lilipat siya ng network, muli itong nilinaw ng media sa kanya.
Sabi ng aktres, maaaring magbigay siya ng tiyak na sagot matapos ang ilang linggong pagbabakasyon.
“Yung paglipat o pag-renew ng kontrata, hindi ko pa masagot kasi gusto ko munang magpahinga. Siguro a couple of weeks.
“Gusto ko munang ibigay itong peace sa akin kasi medyo nawindang din ako for the past few weeks.
“I think I deserve to just relax and spend some time with my kids and my husband.
“Siguro, kailangan ko lang mag-isip nang klaro kung ano ang susunod kong gagawing mga projects in the near future.”
Gayunman, hindi itinanggi ni Judy Ann na nakakatanggap siya ng offers mula sa ibang TV networks.
“Offers from other networks, yes, nandiyan sila.
“But at the end of the day, ako pa rin naman ang magdedesisyon.”
Nilinaw rin niya na kung sakali, ABS-CBN pa rin ang magiging priority niya pagdating sa pagpili.
“You know, doors for ABS-CBN will always, always be open.
“I will never deny the fact na ABS-CBN is my mother network.”
“KAILANGAN KO MUNANG MAGPAHINGA.” Naging matalinhaga ang mga sumunod na pahayag ni Judy Ann tungkol sa kanyang pagbabakasyon pagkatapos ng Huwag Ka Lang Mawawala at bago magdesisyon kung mananatili siya sa ABS-CBN.
Aniya, “Baka kailangan ko na muna mag-isip. Kailangan ko na muna magpahinga.
“Hindi ko naman sinabing taon, pero kailangan ko lang.
“Masyado lang siguro akong napagod sa mga bagay-bagay. Pero yung pagod na ‘yon was really well worth it.
“Siguro part ng pagod na ‘yon is kailangan mo ring mag-mature as a person.
“May mga bagay na kailangan mong isipin.
“Ayaw kong magdesisyon na masama ang loob, baka mali ang desisyon ko.
“Ayaw kong magdesisyon nang masaya kasi baka mali rin ang maging desisyon ko.
“Gusto kong magdesisyon nang nasa practical ang desisyon ko.
“Kasi lahat naman tayo nagiging praktikal sa buhay pagdating sa pamilya natin.
“Tao lang ako, nasasaktan din naman ako. Kailangan ko lang magpahinga.”
Sa huli, tinanong si Judy Ann kung naibibigay ba sa kanya ang respeto para sa isang tinaguriang “reyna ng soap opera.”
Sagot ni Judy Ann, “Hindi ko naman ide-deny, na oo naman, naibigay naman nang bongga, yung programa, lahat.
“May oo na sagot, may hindi ring sagot.
“Kilala n’yo naman ako, hindi naman ako sinungaling at hindi naman ako plastik.
“Oo, naitawid nila.
“Pero may mga bagay na hindi at may mga bagay na hanggang ngayon ay question mark pa rin sa akin.
“Siguro, mas makakabuti yung wala na lang yung tag na reyna para wala nang expectations.”
Bago matapos ang press conference, ipinakita sa press ang teaser ng Bet On Your Baby, isang American game show na balak kuning franchise ng ABS-CBN para sa susunod na proyekto ni Judy Ann.
Ito ang programang inu-offer sa kanya ng Dreamscape, ang unit na nag-produce ng Huwag Ka Lang Mawawala at pinamamahalaan ni Deo Endrinal.
Nangako rin ang Dreamscape na kung sakali, ang susunod na teleserye ni Judy Ann ay ipo-produce pa rin ng Dreamscape.