Magkakaroon na ng commercial release ang Cinemalaya 2012 Directors’ Showcase entry na Mga Mumunting Lihim simula sa August 22.
Tampok sa pelikulang ito ni Jose Javier Reyes sina Judy Ann Santos, Iza Calzado, Agot Isidro, at Janice de Belen.
Sa awards night ng Cinemalaya 2012 ay iginawad sa apat na aktres ang Best Ensemble para sa pagganap nila sa pelikula. Ibig sabihin, pinagsama ang mga kategoryang Best Actress at Best Supporting Actress.
Ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng ganitong klaseng parangal ang bumubuo ng taunang independent film festival.
Sa presscon ng Mga Mumunting Lihim noong Martes, August 14, sa Guilly’s Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Judy Ann.
Ano ang pakiramdam sa napanalunan nilang award sa Cinemalaya?
“Alam mo, hindi ako makapaniwala… ‘Talaga ba ito? Nangyayari ba talaga ito? Sobra-sobra naman na ito!
“Cinemalaya, maraming salamat talaga.
“Yung validity ba na yung first Cinemalaya entry mo ay nakasungkit ka ng dalawang award, nakatsamba ka na naman, sobra kong thankful talaga," saad ng aktres.
JUDAY'S REACTION. Hindi naka-attend si Juday noong awards night ng Cinemalaya, at tanging si Iza Calzado ang tumanggap ng Balanghai trophy para sa kanilang apat.
Pero ano ang unang reaksiyon ni Judy Ann nang malamang sila ang nanalo?
“Si Direk Joey, siya ang nag-text sa akin.
“Sigaw ako nang sigaw sa bahay. Nasa kuwarto si Ryan [Agoncillo, her husband], nasa kusina ako, sigaw ako nang sigaw.
“Takang-taka mga kasamahan ko sa bahay, sabi nila, ‘Bakit? Bakit?’
“Sigaw ako nang sigaw na, ‘Oh, my God, nanalo ako ng Best Supporting Actress!’
“Tapos second text ni Direk Joey, Best Actress din.
“Alam mo yung ang taas-taas-taas na ng roller coaster ko… ‘Grabe na ito, ano pang susunod dito? Parang ang next nito, heart attack na!’ Yung ganun.
“Happy talaga ako.
“Tapos ngayon, nalaman ko na Graded A pa siya ng MTRCB, so mas maraming makakapanood talaga.
“Thank you talaga," tuluy-tuloy na sabi ni Judy Ann.
COMMERCIAL RUN. In-expect niya bang magkakaroon ng commercial run ang Mga Mumunting Lihim?
“Hindi, kasi, di ba, usually pag Cinemalaya, sa Cinemalaya mo lang talaga mapapanood?
“Pero kadalasan naman pag Cinemalaya entry at hindi mo napanood dahil nakaligtaan mo, aabangan mo na lang sa DVD.
“Sa pagkakataong ito, may second run para dun sa mga hindi nakapanood.
“Nagpapasalamat kami sa Cinemalaya kasi in-allow nila na ipalabas ito commercially."
May balak din bang isali ang kanilang pelikula sa international film festivals?
“Sana! Suntok sa buwan, pero sana.
“Malay mo naman, may mga simpleng pelikula na lumalaban talaga sa ibang bansa, di ba?
“Kung mabigyan ng pagkakataon, bakit naman hindi?
“Bilib na bilib ako kay Direk Joey, bilib ako sa pelikulang ito.
“Alam mo yung malalim na hindi malalim, yun siya, e—hindi ko ma-explain yung pelikula.
“Pero see for yourself kung anong meron na movie na ito."
ALL'S WELL WITH TITO ALFIE. Kinumusta rin ng PEP kay Judy Ann ang kanyang manager na si Alfie Lorenzo.
Matatandaang nagkaroon ng tampuhan ang dalawa nang tanggapin ni Judy Ann ang Mga Mumunting Lihim nang walang permiso ni Alfie.
Sabi ni Judy Ann, “Oo naman, alam mo naman kami, sadyang ganyan lang kami, alam niyo ‘yan."
Nung nanalo ba siya ng award sa Cinemalaya, yun ang naging hudyat ng pagbabati nila ni Tito Alfie?
“Feeling ko, kasi tinanong niya ako, ‘Best Actress ka daw?’
“Sabi ko, ‘Opo.’
“Tapos, ayun na. Kinumusta ko na siya nitong huling bagyo, tinanong ko kung okay siya.
“Kasi medyo nababaha siya rito sa Panay Avenue.
“Siyempre, siya rin yung isa sa mga taong pumasok sa isip ko nung baha. Maliban kay Gladys at sa mommy ni Beth."
Sina Gladys Reyes at Beth Tamayo ang dalawa sa pinakamalapit na kaibigan ni Judy Ann.
“Tsinek ko kung okay sila kasi nag-aalala rin naman ako. Inalam ko kung okay siya.
“Kasi ‘yang si Tito Alfie, may pagka-lilypad, lumulutang lang sa baha.
"Pero hindi talaga umaalis sa bahay niya. Kahit lumubog na bahay nila, hindi talaga siya aalis.
“Bilib din naman ako sa katapangan ni Tito Alfie pagdating diyan. Kalmado lang siya kahit yung ibang tao ay natataranta na sa baha.
“Yun, kinumusta ko siya, kasi ako mismo, kinakabahan sa kanya.
“Ayun, maayos kaming nag-uusap, I guess okay na kami," saad ni Judy Ann. -- Allan Sancon, PEP
No comments:
Post a Comment