Arniel C. Serato
Masaya ang buong cast and crew ng Cinemalaya 2012 entry na Mga Mumunting Lihim dahil magkakaroon ito ng commercial run at graded A pa ito ng Cinema Evaluation Board (CEB).
Noong Martes, August 14, nagkaroon ng presscon ang pelikula sa may Guilly’s Bar sa Tomas Morato. Dito nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang isa sa mga bida ng pelikula na si Judy Ann Santos.
Bukod sa Mga Mumunting Lihim, tatlong proyekto pa ang pinagkakaabalahan niya ngayon—isang pelikula at dalawang TV shows.Masaya si Juday dahil kabi-kabila ang proyektong ginagawa niya sa kasalukuyan.
HALIPAROT NA FAIRY. Inusisa ng PEP si Juday tungkol sa bago niyang pelikula kasama sina Senator Bong Revilla at Vic Sotto, ang Si Agimat, Si Enteng At Si Ako.
Kuwento niya, “Ako kasi ang pangalan ko dun.
“Ako si Ako, ang pangalan ko dun ay Ako… isa akong engkantada ng kalikasan.
“So, yun ang role ko, ako ang taga-protekta ng mga gubat, ng mga park, tapos naghahanap ng mapapangasawa sa katauhan nina Agimat [Bong] at ni Enteng [Vic].
“Kaya tinawag ko na lang yung sarili kong ‘haliparot na fairy,’ kasi parang unang shoot pa lang namin ay hirap akong ilagay ang sarili ko sa character, kasi hindi ko alam kong ano ba talaga ako dito.
“Hanggang sa noong pangalawang araw, yun na, nakamada ko na yung character.
“Nahuli ko na yung gusto ni Direk Tony [Reyes] kaya yun, naisip ko, ako yung harot na fairy kasi maharot. Alam mo yung yuppie na fairy?”
Nilinaw namin kay Judy Ann kung haliparot o harot na fairy ba ang gagampanan niyang role?
Parang patanong niyang tugon, “Pareho, magkaiba ba ang ibig sabihin noon?”
Magpapa-sexy kaya siya dito?
Natatawa niyang sagot, “Kaya ko ba yun? Parang ang dami ko pang dapat gawin. Hindi, ‘no!
“Yuppie, na fairy, na may crush kay Enteng at Agimat. Doon magsisimula ang gulo—sa akin.”
COMEDIENNE JUDAY. So mailalabas niya dito ang pagiging komedyana niya?
Sa telebisyon naman ay ipinamalas din nilang mag-asawa ang kanilang galing sa pagpapatawa via ABS-CBN’s sitcom George and Cecil (2009-2010).Matatandaang nagko-comedy si Juday sa ilang pelikula nila noon ng asawang si Ryan Agoncillo—ang Metro Manila Film Festival entries nilang Kasal Kasali Kasalo(2006), Sakal Sakali Saklolo (2007), at My House Husband (2011).
Ani Juday, “A, oo. Sana maitawid ko yung comedy side ko na yun—baka nawala na siya sa akin, di ko masabi.
“E, English pa kaya, teka muna, huwag kayong mag-expect masyado, ha.”
BOX-OFFICE PRESSURE. Kumusta katrabaho sina Senator Bong at Bossing Vic?
Pag-amin ni Juday, “Alam mo, sa totoo lang, na-starstruck ako sa dalawa. Uhm, parang hindi-hindi ako makapaniwalang ako yung nasa gitna ng dalawang naglalakihang leading men with Senator Bong and Bossing Vic.
“Marami namang puwedeng iba, di ba?
“Yung talagang sakto dun sa karakter, pero bakit ako?
“Alam mo yun? May mga ganun kang tanong, e.”
Agam-agam pa nito, “Paano ko ba to itatawid? Deserve ko ba talaga ang karakter na ‘to? Sadya bang ako ang nararapat na gumanap dito?’
“But then again, again thankful ako na napili nila ako, kasi palagi ko sinasabi na it’s a once in a lifetime opportunity na makasama sa isang proyekto ang dalawang malaking artista.
“And it is something na I’m very really thankful dahil, kumbaga, ang Enteng at angAgimat ay nasa magkaibang history ‘yan ng MMFF, pinagsama mo sila, at ako yung nasa gitna.
“Na nakakatuwa, nakakataba ng puso, sana…
“Ang ikinakatakot ko lang ngayon, si Enteng, nagna-number one. Si Agimat, nagna-number one.
“Nung magkasama silang dalawa, bonggang-bonggang number one at walang nakahabol sa kanila.
“Abot -abot ang dasal ko sa pressure, na sabi ko na, ‘Lord, huwag naman please, sana huwag naman, baka katapusan na ng career ko ‘to.’”“At sa pagkakataong ito, na ako lang ang idinagdag sa pamilya nila, pag nag-number two kami, parang ako yata ang salot!
SECOND CHOICE. Naibalita noon na hindi si Judy Ann ang first choice na makasama nina Senator at Bossing Vic sa muling pagsasama nila sa pelikula, kundi si Ai-Ai delas Alas.
Pagsasamahin sana ang mga karakter ni Senator Bong bilang Agimat, ni Bossing Vic bilang Enteng, at ni Ai-Ai bilang Ina ng Ang Tangina Ina Mo.
Pero hindi natuloy si Ai-Ai dahil nakasaad sa kontrata nito sa Star Cinema na sa susunod na taon pa siya puwedeng gumawa ng pelikula para sa MMFF.
Aware ba si Judy Ann na second choice lang siya sa pelikula?
“Oo naman. Hindi naman ako, wala namang kaso sa akin yun.
“Ang trabaho ay trabaho and in fairness naman sa pagsusulat sa istorya, hindi naman siya ipinatern sa karakter ni Ai-Ai as Tanging Ina.
“Kasi naging honest naman din talaga ako sa kanila [producers] na hindi ko kayang gawin kung ano yung kayang gawin ni Ai.
"Kasi nag-iisa siya pagdating sa ganyang pelikula, di ba? At walang ibang makakagawa nun kasi siya lang yun.
“Kaya naging tapat naman sila sa akin na sabihing, ‘Oo naman, alam naman namin yun. At hindi naman yun yung ibibigay naming papel sa ‘yo.'
“Kasi ang laking pressure noon talaga sa akin at ayoko namang isipin ng mga tao na nasapian ako ni Ai-Ai.
“Kasi hindi ko talaga kayang i-replicate kung ano yung ginagawa ni Ai-Ai.
“Dahil mataas ang respeto ko sa kanya, at kahit kailan hindi ko magagawang pantayan ang kapasidad ni Ai-Ai pagdating sa pagko-komedya. Siya lang yun.
“Kaya kong tumawid sa pagko-komedya sa sarili kong daan. Hindi ko alam kong paanong daan, pero tatrabahuin ko yun.”
No comments:
Post a Comment