LONDON, U.K. – Isang malaking tagumpay ang pagtatanghal ng
Eat Bulaga!, ang “EB Dabarkads in London," na ginanap dito nung Sabado ng gabi, November 17 (Linggo ng madaling-araw sa Pilipinas), sa ICC Auditorium ng ExCel London.
Ito ang kauna-unahang live show ng EB tropa sa Europa.
Dumagsa ang mga kababayan nating Pinoy para panoorin ang masayang show ng Dabarkads.
Karamihan sa kanila ay nanggaling pa sa malalayong English countryside na ilang oras ang biyahe mula sa Central London.
Five thousand ang seating capacity ng ICC Auditorium ng ExCel at laking-tuwa ng Dabarkads nang makita nilang punung-puno ang venue.
Ang ExCel London ay maihahalintulad sa SMX Convention Center ng Mall of Asia, ngunit mas malaki nga lang ito. Sama-sama sa iisang modern complex ang napakaraming hall venues na perfect lalo na sa live performances.
Past 6 p.m. nagsimula ang show.
Ang lakas ng hiyawan ng audience nang tumugtog ang “James Bond theme" habang sumasayaw ang EB Babes, sabay pasok ni Jimmy Santos bilang kunyaring Agent 007.
Naaliw ang audience sa rap number ni “Jimmy Bond."
Muling nagtilian ang fans ang opening line niya na, “Are you ready for the bloody action?!"
Tuwang-tuwa ang mga kababayan natin nang sunud-sunod na umentra ang very energetic Dabarkads na sina Joey de Leon, Jose Manalo, Wally Bayola, Allan K, Anjo Yllana, Keempee de Leon, Ryan Agoncillo, Paolo Ballesteros, Ruby Rodriguez, Julia Clarete, at Pauleen Luna.
Hindi nakasama sa trip na ito ang magkapatid na Tito at Vic Sotto.
Nagtawanan ang fans sa birong hirit ni Joey na si Tito Sen ay may session sa Senado, habang si Bossing ay may “sex-sion" kaya hindi nakarating ng London.
JOSE & WALLY. Bentang-benta sa crowd ang “Anak" sketch nina Jose at Wally, na habang inaawit ni Jose ang nasabing Freddie Aguilar hit ay ini-interpret ito ni Wally in a naughty way.
Napakaraming fans nina Jose at Wally sa U.K.
Nakatuwaang i-playtime ng dalawa ang isang Pinay sa audience na may asawang foreigner.
“So wise. He will save you from poverty!" sabi ni Wally sa Pinay, na tawa lang nang tawa sa pambubuska ng dalawa.
Todo ang tawa ng mga Pinoy sa mga kalokohan nina Jose at Wally, lalo na sa mahahalay na portion.
CHA-CHA. Sina Pauleen, Paolo, Ruby, at Jimmy ay humataw ng “Cha-Cha Dabarkads"—ang dance craze na pinauso ng 2012 Little Miss Philippines na si Ryzza Mae Dizon.
Tapos ay kumuha sila ng tigda-dalawang audience members na nakipag-cha-cha showdown sa kanila sa stage.
Ang cute ni Paolo na bigay na bigay sa pag-cha-cha ala Ryzza, complete with nakangangang bibig habang sumasayaw at kumekembot.
Si Pauleen ay napakaseksi naman sa kanyang black tight-fitting outfit na labas ang pusod at parang bra lang ang black na pang-itaas.
Si Ryan ang naging showdown master, na ang nanalo ay ang pares na kinuha ni Ruby.
RYAN & JUDAY. Ni-request ni Ruby na mag-“Gangnam Style" dance si Ryan, na pinagbigyan naman ni Ryan.
Bigay na bigay ito sa pagsayaw ala-Korean sensation na si Psy.
Tapos ay nakangiting sabi ni Ryan na may sumama sa kanya rito sa London dahil malamig.
Grabe ang lakas ng hiyawan nang tawagin sa stage ang misis niyang si Judy Ann Santos.
Nag-request ng “kiss" si Joey mula sa mag-asawa. Tilian naman ang fans nang mag-kiss nga sa lips ang dalawa.
Si Juday ang nagpaliwanag na hindi pa tapos ang shooting ni Bossing Vic ng filmfest movie nila na
Si Agimat Si Enteng at Si Ako kaya hindi ito nakasama.
Siya raw ay tapos na ang shoot kaya naka-join siya sa dabarkads dito sa London.
Ang ganda at ang payat ni Juday sa suot niyang simpleng blue dress.
Nag-duet sila ni Ryan at nag-kiss ulit ang mag-asawa after their song number.
JOEY’S BRAND OF COMEDY. Klik ang mga pilyong hirit ni Joey, tulad ng sabi niya kay Ruby na mayaman ito dahil marami itong pounds. (Pound sterling ang currency ng UK.)
Aniya, ang malulusog na dibdib pa lang ni Ruby ay 22 pounds each na.
Ang mali-maling EB Babe na si Ann Boleche, aka Hopia, na hinamon ni Joey na magpa-picture sa Eiffel Tower dito sa London, ay sinabihan daw niya na: “Pag-aralan mong mag-tube!" (Tube ang tawag sa underground train dito.)
Ang sagot daw ni Hopia: “Marumi ang tube ko, e!"
Nabuhay nang husto ang audience sa “Pinoy Henyo" segment na sinalihan ng tatlo nating kababayang taga-U.K.
Ang nanalong female nurse ay nag-drive pa raw nang apat na oras para lang makarating ng venue.
Nag-uwi ang lucky game participants ng limited edition EB shirt, jacket, at coffeetable book.
MISS UNIVERSE. “Machong Jagger" ang song-and-dance number nina Jose at Wally, na mash-up ng “Moves Like Jagger" at “Macho Guapito."
Nagkagulo ang fans nang bumaba sa audience ang mga bida ng comedy flick na
D’Kilabots Pogi Brothers…Weh?!.Kasunod nito ang Visayan skit at “Miss Universe" sketch ni Allan K.
Tumawag ng isang lalaking foreigner sa audience si Allan.
“Come to mama. I will breastfeed you!" sabi niya.
Nang malaman niyang Indian national at may asawa na ang nakuha niya sa may VIP section, dinayalogan ito ni Allan ng: “Indian? No UK visa? And you’re married? Go down!"
Havey na havey pa rin ang Bisaya jokes ni Allan at ang kanyang kuwelang beauty-pageant sketch.
Isang Francis M. number naman ang binanatan nina Julia, Keempee, Wally, at Jose, na pawang nakasuot ng FMCC shirts habang umaawit ng ilang hit songs ni Kiko.
May mini-video tribute sa dating dabarkad, na kahit wala na ay lagi pa ring bahagi ng shows ng
Eat Bulaga! sa iba’t ibang bansa.
Nagsama-sama ang buong tropa sa entablado for the closing number.
Kasama nilang umakyat si Juday, na nakasuot ng shirt na “Forever Eat Bulaga."
Sa ending ng show ay pinabunot ni Joey si Allan ng isang masuwerteng audience member na mananalo ng isang round-trip ticket to Manila.
Natapos ang
EB Dabarkads in London na masaya at may ngiti sa labi ang mga kababayan nating pinatawa at pinaligaya ng dabarkads.
Masayang-masaya si Ms. Corazon Santos, founder/chairman ng Universal Infinity Limited (Hello Philippines), ang event organizer ng show.
Ang katuwang na event partner nito ay ang OSN, ang exclusive distributor ng GMA Pinoy TV at GMA Life TV dito sa Europa.
Sobrang na-touch si Ms. Santos sa natanggap niyang mga papuri at positive feedback tungkol sa show ng EB Dabarkads in London, kaya inimbita niya ang mga ito—sa pamamagitan ng lady boss ng TAPE, Inc. na si Ms. Malou Choa-Fagar—na bumalik sa bahaging ‘yon ng mundo at pasayahin naman ang mga kapatid nating Pinoy sa Ireland. --
Allan Diones, PEP