Katulad din ng mga ordinaryong tao ang young superstar na si Judy Ann Santos tuwing Pasko at Bagong Taon.
“Sa bahay lang kami. Normally kasi, pag Christmas vacation, sina Mommy [Carol Santos] 'tsaka sina Kuya [Jeffrey Santos], sina Ate [Jackie Santos], doon natutulog sa amin.
“Tapos, iyon na. Yung ibang friends, pumupunta sa bahay, iyon na yung celebration na yun..."Yung buong immediate Santos family, sila yung natutulog ng [December] 24 hanggang 25, kasi 25 naman ng gabi, may yearly Mass kami, na Thanksgiving Mass na ginagawa sa bahay.
“Party nang slight, 'tapos yung mga following days, pahinga na yun.
“Kung saan na lang gustong magpunta ng mga bata, sila ang boss sa pagkakataong ito,” ang kuwento ni Judy Ann sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako sa Annabel’s restaurant noong December 13.
Ano ba ang inaasahan niya sa taong 2013?
Tugon niya, “2013? Alam mo, ang 2012, hindi ko din naman in-expect na magiging ganito kaganda ang pagtanggap sa akin sa pagbabalik ko.
“Ang 2013 or sa kahit na ano pang mga nakaraang taon na nagdaan, hindi ko siya talaga pinaplano.
“Nagkakataon lang na nagkakaroon ng plano sa pagtanggap ng mga projects...
“Kasi sasalain mo, iisipin mo kung kaya pa ba ng katawang-lupa mong gawin ito.
“Kung angkop ba siya sa mga anak ko, na paglaki ba nila mai-inspire ba sila sa ginawa kong pelikula."
Gusto rin daw ni Juday na mas magkaroon ng panahon para sa pamilya sa susunod na taon.
Sa pagpapatuloy ng misis ni Ryan Agoncillo, “At saka siguro, ang 2013, mas sisiguraduhin ko lang na mas magiging relaxed lang ako at magkakaroon ako ng mas maraming oras sa mga anak ko.
“Kasi parang itong mga nakaraang buwan, I’m really occupied with work and nalulungkot ako pag hindi ko sila nakikita.
“Siguro mas ano lang, kung 2012 yung puro light-hearted films yung napanood nila sa akin, baka mas seryoso yung pang-2013.”
Nasa plano ba nila ni Ryan na sundan na this 2013 si Lucho?
Meron ba siyang New Year’s resolution?“Kung ibibigay sa amin ang biyayang iyan, ibibigay. Kung mangyayari, mangyayari,” ang nakangiting sabi ni Judy Ann.
“Ako, palagi ko namang sinasabi kapag tinatanong ako ng New Year’s resolution, 'Hindi ako naniniwala sa New Year’s resolution, e.'
“Kasi, parang sa akin, bakit ka kailangang maghintay ng Bagong Taon para magbago ka kung puwede mo naman siyang gawin any time of the year?
“Para sa akin, ang pagbabago, hindi siya kailangang maghintay ng pagpasok ng Bagong Taon.
"Kung gusto mong magbago, magbago ka na bukas o ngayon na mismo,” saad ni Judy Ann.
FOR THE KIDS. Bidang babae si Judy Ann sa pelikulang Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako, at bidang lalaki naman sina Vic Sotto at Senator Bong Revilla.
This time, dahil pambata at fantasy ang movie nila, excited ang panganay na anak nina Judy Ann at Ryan na si Yohan na mapanood ang pelikula.
Kuwento ni Judy Ann, “Happy ako kasi naiintindihan na ni Yohan yung ginagawa ko and, at the same time, para sa mga bata talaga yung pelikula...
“So, ewan ko lang kung magpagawa siya nung costume na parang sa akin,” ang natatawang wika ni Judy Ann.
“Si Lucho hindi pa niya naiintindihan yun, e.
“Pero pag nakikita niya ako sa TV, sinasabi lang niya, ‘That’s mommy’s work, that mommy’s work! Alam niya.”
SEXY GOWN. Sa ABS-CBN Christmas special, marami ang nagulat sa daring at seksing kasuotan ni Judy Ann na backless gown.
Nailang ba siya sa outfit niya that night?“Huwag po kayong mag-alala, una’t-huli na po iyon,” sabay-tawa ni Judy Ann.
“Siyempre, naiilang din, kasi first time akong nagsuot ng ganoon buong buhay ko, di ba?
“Pero naisip ko naman wala namang pinagkaiba ang harap sa likod...
“So, at least, mailabas mo na lang din yung buong likod mo bilang hindi mo na din uulitin,” ang tawa nang tawa pa ring sinabi ni Judy Ann.
“And kumbaga, I think, sa isang babae meron ka talagang part ng utak mo...
“Or at the back of your mind, iniisip mo, 'Someday, I can wear something like that,’” sabi niya.
“Yung low-back [gown] talaga na, ‘Kailan ko kaya magagawa iyon?’
“E, kasi nung dalaga naman ako, hindi ko siya nagawa.
“Nagkaroon lang ng chance, and at the same time para at least nagawa ko na, okay na iyon hindi na siya ulit mangyayari pa,” at tumawang muli ang aktres.
RYAN’S CONSENT. Ipinagpaalam ba niya iyon sa mister niyang si Ryan Agoncillo?
“Hindi naman. Si Ryan naman never... hindi naman siya ganyan pagdating sa pananamit.
“Basta sa kanya, hindi bastusin ang dating and hindi ka mababastos sa suot mo.
“At very elegant naman yung pagkakagawa ni Martin Bautista dun sa damit, hindi naman siya bastos tingnan, di ba?
“Nakakahaba ng legs bilang ang haba ng slit pero iyon na yun.”
Ano ang naging reaksyon ni Ryan?
“Kasi hindi naman namin pinag-usapan yung mga... when it comes to work, we really don’t talk about it when were at home, as much as possible.“Hindi pa niya nakikita ‘ata kasi hindi pa niya ako natatanong... Ewan ko,” at tumawa muli si Judy Ann.
“Siguro may conscious effort lang din kapag nasa bahay, kung puwede huwag mag-usap about sa trabaho, di ba?
“Pag bahay, bahay lang, family, normal, wala lang.”
Nagdalawang-isip ba siya na isuot ang naturang outfit?
“Ay, oo naman, hindi lang dalawa, mga sampung isip yata,” ang tumatawang sinabi pa ng aktres.
EXCHANGE GIFTS. Ngayong Pasko, hindi pa raw niya naiisip kung ano ang magiging regalo sa asawa.
“Alam mo, wala na nga kaming maisip na puwedeng iregalo sa isa’t-isa.
“Kasi siguro, di ba, pagka yung atensyon mo nasa mga bata na, hindi mo na talaga naiisip kung ano pa ba yung gusto mo?
“Totoo pala yun—na pag may anak ka na, mas less na yung pag- iisip mo sa mga materyal na bagay para sa sarili mo.
“Pero, siyempre, meron ka pa ring mga gustong bilhin, pero hindi iyon yung top priority mo.
“Nagtanungan kami nung isang araw kung ano yung regalo na gusto niya at siya rin sa akin.
“Siya nga yung unang nagtanong, wala akong maisip. Normally kasi, nakakasagot agad kami. Yung ngayon, parang hindi ko maisip.
“Siguro mas ano na lang kami ngayon, mas praktikal na lang.
“Pagdating sa mga materyal na bagay kasi, parang iniisip na din namin na, ‘Ito ba, in the long run, puwede ba siyang maibenta?’
“Ganoon... Na parang nakasentro na kami ngayon sa pagbili ng mga gamit na puwede naming pagkakitaan in the long run.“Mag-a-appreciate ba siya o magde-depreciate ba siya?’ Ganoon na yung usapan. Kung mapagkakakitaan pa ba ito?’
“Hindi yung siguro may mga konting splurges lang on the side, pero hindi na talaga kagaya pag single ka... Go! Buy, buy, buy!
“E, ngayon hindi na, hindi na talaga puwede.”