Kahit pa malakas ang hangin at ulan dahil sa bagyong Gener, napuno
ang Tanghalang Nicanor Abelardo sa Cultural Center of the Philippines
(CCP) kagabi, July 29, dahil sa awards night ng 8th Cinemalaya
Philippine Independent Film Festival.
Hindi lang
mga artista at filmmakers ang dumalo para tunghayan kung sino ang
mananalo, kundi maging ang maraming film enthusiasts.
Ang Cinemalaya ang taunang film festival kung saan ipinapalabas ang mga
pelikulang indie, na nabubuo sa pamamagitan ng pagbibigay-pondo at
paggabay ng Cinemalaya Foundation.
May tatlong kategorya ang festival, na ginanap mula July 20 hanggang 29:
1. Directors' Showcase, na kinapapalooban ng limang pelikulang idinirek ng mga beteranong direktor;
2. New Breed, kung saan may sampung pelikula na idinirek ng mga baguhang direktor;
3. Short Films, na kinapapalooban ng sampung maiikling pelikula.
Isang jury ang nagdesisyon kung ano sa mga pelikula ang mabibigyan ng
parangal. Ngayong taon, ang jury ay binubuo nina National Artist for
Literature Bienvenido Lumbera, award-winning scriptwriter Ricky Lee,
film professor Rolando Tolentino, Malaysian filmmaker U-Wei Bin Haji
Saari, at Italian director Italo Spinelli.
Simple lamang ang programa ng awards night.
Walang nominasyon na ipinapakita, bagkus ay binabasa lamang ng hosts na
sina Ciara Sotto at Jonathan Tadioan ang mga nanalo. Matapos nito ay
aakyat sa entablado ang nanalo para tanggapin ang isang trophy na may
hugis na balanghay, o lumang barko sa kasaysayan ng mga Pilipino.
Bukod sa trophy ay nakatanggap din ang ibang mga nanalo ng cash prizes at mga high-end DSLR cameras.
Ang itinanghal na Best Films ay ang Diablo para sa New Breed category,
Posas sa Director's Showcase, at Victor para sa Short Feature.
Best Director naman sina Mes de Guzman (Diablo) para sa New Breed,
Raymond Red (Kamera Obskura) para sa Directors' Showcase, at Sheron
Dayoc (As He Sleeps) para sa Short Feature.
SLIGHT MISUNDERSTANDING.
Kahit na simple lamang ang programa ay bahagya pa ring nagkaroon ng
kalituhan nang i-announce ang nanalo sa Best Supporting Actress award
para sa Directors' Showcase category.
Nang
basahin ng host na si Jonathan Tadioan ang mga pangalan ng ensemble cast
ng Mga Mumunting Lihim na sina Judy Ann Santos, Agot Isidro, Iza
Calzado, at Janice de Belen, ay tumayo ang hurado na si Bienvenido
Lumbera para ipahayag ang kanyang pagtutol.
Ngunit pag-akyat ni Lumbera sa stage para i-announce ang nanalo, ang
binanggit niya ay ang pangalan ni Anita Linda, na nanalo nga ng Best
Supporting Actress para sa Sta. Niña, ngunit para sa New Breed category.
Nalito tuloy ang mga artistang paparangalan. Sa cast ng Mga Mumunting
Lihim, present sa venue si Iza Calzado, na humahangos na maglakad
papuntang stage nang marinig ang kanyang pangalan.
Tumayo rin si Anita Linda sa kanyang upuan para lumapit sa stage.
Para ayusin ang gusot ay tumayo na rin si Ricky Lee, isa pang hurado,
para ipaliwanag na sina Iza nga ang nanalo ng Best Supporting Actress at
Best Actress sa Director's Showcase category.
Ayon kay Lee, kaya siguro nagkaroon ng kalituhan ay kakaiba rin ang desisyon ng hurado sa kategorya at award na ito.
Napagpasyahan kasi ng mga hurado na pagsamahin na lamang ang Best
Actress at Best Supporting Actress awards sa Directors' Showcase, at
ibigay ito sa ensemble cast ng Mga Mumunting Lihim ni Direk Jose Javier
Reyes.
Expected na ang pagkapanalo ng sino man
sa apat na lead actresses ng Mga Mumunting Lihim sa Best Actress, dahil
walang lead-actress role sa apat pang pelikula sa Director's Showcase
category: Bwakaw, Kalayaan, Kamera Obskura, at Posas.
Ang hindi lamang expected ay kung sino sa apat ang mag-uuwi ng
parangal. Kagulat-gulat din ang pagbibigay ng hurado ng award sa apat,
imbes na pumili lamang ng isa sa kanila.
Nang tanggapin ni Iza ang awards, sinabi niyang sana ay wala nang distinction sa pagitan ng mainstream at indie actors.
SENIOR WINS. Sa lineup ng mga nanalo sa mga acting awards ay kapansin-pansin ang pagbibigay-puri sa mga beteranong artista.
Tatlo kasi sa walong acting awards ang ibinigay sa mga matatandang artista:
Directors' Showcase Best Actor para kay Eddie Garcia (Bwakaw), New
Breed Best Actress para kay Ama Quiambao (Diablo), at New Breed Best
Supporting Actress para kay Anita Linda (Sta. Nina).
Sa Bwakaw, gumanap si Eddie Garcia, 83, bilang si Rene, matandang
bading na tanging isang aso lamang ang kasama sa buhay. Nang mataningan
ng buhay ang kanyang aso, malulungkot si Rene at maghahanap ng paraan
para mapagaling ito.
Sa Diablo, gumanap si Ama
Quiambao bilang si Nanay Lusing, isang matandang babae na mag-isang
namumuhay dahil may kanya-kanyang buhay na ang kanyang mga anak. Isang
araw, makakakita siya ng isang nakakatakot na multo bago siya matulog.
Sa Sta. Nina, gumanap si Anita Linda, 88, bilang nanay ni Paulino (Coco Martin) na makalilimutin na at mahirap alagaan.
OTHER ACTING AWARDS.
Si Kristoffer King ang nanalo ng Best Actor award sa New Breed category
para sa pagganap niya bilang tagapamahala ng mga pekeng lamay sa Oros,
na idinirek ni Paul Sta. Ana.
Hindi nakadalo si Kristoffer sa awards night, kaya ang direktor niya ang tumanggap sa trophy.
Napanalunan ni Art Acuña ang kanyang ikalawang Best Supporting Actor trophy sa Cinemalaya.
Kinilala siya sa Directors' Showcase para sa magaling niyang pagganap bilang isang sadistang pulis sa Posas.
Si Art ay unang nanalo bilang Best Supporting Actor award noong isang taon para sa Niño, na nasa New Breed category.
Si Joross Gamboa ang nanalo ng Best Supporting Actor award sa New Breed
category ngayong taon, para sa pagganap niya bilang kaibigan ni JM de
Guzman sa Intoy Syokoy ng Kalye Marino. Ito ang unang acting award ni
Joross.
AUDIENCE CHOICE. Ang
unang in-announce na kategorya ay ang mga nanalo ng Audience Choice
Award, na napagdesisyunan mula sa mga boto ng mga publikong nanood ng
bawat pelikula.
Panalo sa Directors' Showcase category ang Bwakaw ni Direk Jun Lana.
Sa New Breed ay nanalo ang Ang Nawawala ni direktor Marie Jamora.
Tungkol ito kay Gibson (Dominic Roco), isang lalaking tumigil sa
pagsasalita matapos makakita ng trahedya sa kanyang pagkabata.
Panalo naman sa Short Features ang Ruweda ni Hannah Espia. Ang
nine-minute film na ito ay tungkol sa isang trahedyang mangyayari sa
isang perya. Magaling ang pagkaka-edit sa pelikulang ito.
JURY PRIZE. Bukod sa Audience Choice award, isa ring distinct award ang Special Jury Prize.
Para sa Directors' Showcase, nanalo ng Jury Prize ang Kamera Obskura na
idinerek ni Raymond Red. Ang black-and-white film ay isang homage sa
kasaysayan ng pelikula sa Pilipinas.
Para sa New Breed, nanalo ang REquieme! na idinerek ni Loy Arcenas. Ito ay isang dark satire tungkol sa paglilibing ng patay.
Para sa Short films, nanalo ang Manenaya ni Richard Soriano Legaspi.
Ang 14-minute film ay tungkol sa paghihintay sa katawan ng isang
kamag-anak na nawawala, o kaya'y namatay na.
FULL LIST. Narito ang buong listahan ng mga nanalo sa 8th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival:
NEW BREED
Best Film: Diablo by Mes de Guzman
Special Jury Prize: REquieme! by Loy Arcenas
Audience Choice: Ang Nawawala by Marie Jamora
NETPAC Award: Diablo by Mes de Guzman
Best Director: Mes de Guzman for Diablo
Best Actress: Ama Quiambao for Diablo
Best Actor: Kristoffer King for Oros
Best Supporting Actress: Anita Linda for Sta. Niña
Best Supporting Actor: Joross Gamboa for Intoy Syokoy ng Kalye Marino
Best Screenplay: Rody Vera for REquieme!
Best Cinematography: Tristan Salas for Diablo
Best Production Design: Benjamin Payumo for Intoy Syokoy ng Kalye Marino
Best Editing: John Wong and Rona delos Reyes for The Animals
Best Original Music Score: Mikey Amistoso, Diego Mapa, and Jazz Nicolas for Ang Nawawala
Best Sound: Albert Michael Idioma for Aparisyon
DIRECTOR'S SHOWCASE
Best Film: Posas by Lawrence Fajardo
Special Jury Prize: Kamera Obskura by Raymond Red
Audience Choice: Bwakaw by Jun Lana
NETPAC Award: Bwakaw by Jun Lana
Best Director: Raymond Red for Kamera Obskura
Best Ensemble: Judy Ann Santos, Agot Isidro, Iza Calzado and Janice de Belen for Mga Mumunting Lihim
Best Actor: Eddie Garcia for Bwakaw
Best Supporting Actor: Art Acuña for Posas
Best Screenplay: Jose Javier Reyes for Mga Mumunting Lihim
Best Cinematography: Albert Banzon for Kalayaan
Best Production Design: Adolfo Alix Jr. for Kalayaan
Best Editing: Vanessa de Leon for Mga Mumunting Lihim
Best Original Musical Score: Diwa de Leon for Kamera Obskura
Best Sound: Ditoy Aguila Kalayaan
SHORT FEATURE
Best Film: Victor by Jarell Serencio
Special Jury Prize: Manenaya by Richard Legaspi
Audience Choice: Ruweda by Hannah Espia
Best Director: Sheron Dayoc for As He Sleeps